isang maikling kuwentong nilikha bilang requirement sa Retorika noong 2008
-----------------------------------
5:43 am – Martes
Maaga ako ng dalawang minuto sa itinakda kong oras ng gising.
Bumangon na ‘ko para masimulan nang lahat ng ritwal sa umaga bago pumasok. Kalkulado lahat ng galaw. Tatlong minuto sa paghigpit ng higaan, tatlong minuto para sa paghilamos at pagmumog, limang minuto ng huling pagcheck-up ng mga gamit sa eskwela, labinlimang minuto ng paliligo, limang minuto sa pagbihis ng uniporme, sampung minuto ng pagkain, tatlong minuto ng pagsisipilyo, isang minuto ng paglalakad mula sa pinto ng banyo hanggang sa gate sabay ng pagkuha ng baon at pagmano sa nanay ko, hanggang sa tuluyan na kong makaalis ng bahay ng alas-sais y medya ng umaga.
Mabagal akong maglakad. Sinasadya ko ‘yun para sumaktong dalawampung minuto ang gugugulin pagpunta sa eskwelahan, sa Recto din lang naman iyon kaya hindi problema sa ‘kin ang distansya.
6:45 am – Martes
Lagi ‘tong nangyayari sa parehong oras at lugar: sa pagawaan ng relo sa kantong malapit sa eskwelahan. Sa aking madalas paglalakad dito ay nakakasalubong ko siya; ang kaniyang maliliit na matang bagsak sa kapuyatan, ang dilaw na jacket na bumabalot sa kanyang katawan, kasabay ng mga paang tila sanay sa mahabang lakaran. Ganito lagi ang eksena sa pagawaan ng relo sa tuwing dadaan ako doon ng alas-sais quarenta y cinco.
Hindi ko pa rin siya kilala hanggang ngayon kahit paulit-ulit na kaming ganito sa loob ng limang buwan. At sa loob ng limang buwan na iyon, ang makita siya ay ang aking tanging dahilan ng pag-gising sa umaga. Ayos na ko kapag nakikita ko siya. Doon na din natatapos ang araw ko. At kung ano man ang mangyari sa mga nalalabing oras na gising ako, wala na rin akong pakialam at ang iniisip ko na lang ay ang matulog upang makita siya sa muling pag-gising ko.
6:45 am – Miyerkules
Dating oras sa dating lugar. Inaasahan ang dati nang dahilan ng pag-gising sa umaga. May nagbago sa dating dahilan. Umigsi ang buhok niya na lalo pang nagpakita ng kaniyang kagandahan. Ngunit hindi pa rin nawala ang blangkong emosyon sa mukha at ang mga maliliit at bagsak na mata. Buo na ang araw ko… mas maganda kaysa noon.
9:45 pm – Miyerkules
Buwag ang time table ko dahil sa mga di inaasahang gawain sa eskwela.
Naglalakad ako pauwi nang matanaw ko siya mula sa malayo – ang dahilan ng aking pag-gising sa umaga – naglalakad patungo sa direksyon ko. Sa paglalakad niya ay napansin ko ang isang lalaking nakabuntot sa kaniya. Mabilis naglalakad ang lalaki sabay hablot nito ng bag ng binibini. Tumakbo ang lalaki patungo sa direksyon ko. Nang makalapit ako ay sinuwag ko ang lalaki at ibinagsak sa kongkretong sahig sabay bawi ng bag ng binibini. Nang pawalan ko ang lalaki ay siya naming kuyog ng ilang mga kalalakihang naka istambay lamang sa tabi-tabi dito.
Ibinalik ko ang bag sa kaniya – ang dahilan ng aking pag-gising sa umaga. Tumingin sita sa ‘kin, nagpasalamat, at dagliang umalis. Sa pagmamadali’y nalaglag niya ang kaniyang ID sa eskwelahan. Pinulot ko ito at napagpasiyahang sundan siya upang ibalik ito.
10:23 pm – Miyerkules
Sa pagsunod sa kaniya ay dinala ako ng aking mga paa sa isang lumang sinehan. Sa pagpasok ko’y hinarang ako ng kahera; kailangan ko daw magbayad ng otsyenta pesos kung gusto kong manuod. Dahil iyon lang ang tanging paraan upang makapasok, nagbayad na ako.
Kaunti lang ang tao, lahat ng nakaupo ay pawang mga kalalakihan. Nagmasid-masid ako sa paghahanap sa kaniya. Hanggang sa nagsimula na ang palabas.
Nandoon siya… sa entablado. Dahan-dahang tinatanggal ang nalalabing saplot sa kaniyang katawan. Ilang sandali pa’y lumabas din sa entablado ang isang lalaki. Nagkaniigan ang kanilang mga labi; hinawakan niya ang lalaki, hinawakan siya ng lalaki. Sabay sa pagdidikit ng kanilang mga katawan ang paninikip ng aking dibdib; at sabay sa paginit ng eksena ay ang pagkulo ng aking dugo. Hindi ko matiis ang aking nakikita kaya dagli akong lumabas ng lumang sinehan.
1:06 am – Huwebes
Pag-uwi ko ng bahay, diretso sa higaan. Paulit-ulit sa utak ko ang mga eksenang bumungad sa kin doon sa lumang sinehan. Tinignan ko ang ID na nalaglag niya; Margaret Jasmin – ang dahilan ng aking pag-gising sa umaga, ay hindi ako pinatulog ngayong gabi kaiisip.
6:45 am – Huwebes
Wala akong pasok, wala akong tulog.
Nandoon uli ako sa dating lugar, sa pagawaan ng relo sa kanto malapit sa eskwelahan. Hinihintay ang dahilan ng aking pag-gising sa umaga. Makailang saglit ay dumating din siya, nadaanan niya ‘ko. Di niya ‘ko napansin tulad ng dati. Matapos niyang makalayo ng ilang metro ay sinundan ko siya.
Sa pagsunod ko sa kanya ay nasumpungan ko ang isang lumang bahay ampunan. Madaming bata; ‘yung ilan, halos matatanda na din para sa isang bata. Sumilip ako sa bintana, nakita ko siya kausap ang isang babaeng medyo may edad na. Mukhang problemado yung babae. Hinawakan niya ito sa balikat at sabay abot nito ng pera. Nagulat ako sa ginawa niya… hindi pala siya ganun ka-sama. Naudlot ang aking pagmamasid nang magambala ako ng isang batang biglang kumalabit sa ‘kin. Sa gulat ko at sa takot kong pagdudahan ay tumakbo ako papaalis.
9:45 pm – Huwebes
Naunawaan ko siya. Hinanda ko ang aking sarili upang makipagkilala sa kaniya at isauli nag nalaglag niyang ID. Narito ako ngayon sa kalsada kung saan ko siya nakita kagabi. Si Margaret – ang dahilan ng aking pag-gising sa umaga.
Nakaraan ang ilang saglit ay natanaw ko rin siya. Ang maikling buhok, ang maliliit na mata at ang katawang sinubok ng hirap ng buhay. Daglian akong lumapit sa kaniya.
Isang hakbang na lang ang distansya ko sa kaniya ay nakaramdam ako ng isang matinding pwersa mula sa aking likod. Masakit. Sa lakas nito’y napatumba ako sa mga bisig ni Margaret
Tumingin ako sa direksyon kung saan nanggaling ang pwersa, nakita ko ang snatcher mula sa kagabi na tumatakbo papalayo kasama ang isa pang lalaki. Hinawakan ko ang masakit na bahagi sa aking likuran… dugo. Dugo gawa ng punyal na nakabaon sa likod ng aking dibdib.
Tumingin ako kay Margaret – ang dahilan ng aking pag-gising sa umaga, sabay abot ng kaniyang ID na kagabi ko pa nais ibalik. Sa kasamaang palad, dumilim na ang paligid bago pa man ako makapagpakilala.
No comments:
Post a Comment